Jose Rizal | Rizal Day Celebration, 2021 | Opinion

Jose Rizal

Sa lahat ng mga kilalang tao sa Pilipinas, wala na sigurong makatatalo sa ating Pambansang bayani sa dami ng mga naisulat tungkol sa kanyang buhay at mga gawa. Mula sa pagkabata, hanggang sa kanyang pagkamatay sa noo’y bagumbayan, ang buhay ni Jose Rizal ay hindi maikakailang larawan ng isang huwarang Pilipino. Ano kaya kung buhay pa si Jose Rizal ngayung 2021?

Ang Tsinelas ni Jose Rizal

Isa sa mga kilalang kwento sa buhay ni Rizal ang tsinelas na ihinagis nya ng malaglag ang isang kapares at hiniling sa nawa’y ang makapulot ng isa ay makuha din ang isa pa. Sa panahon ngayun, ang ating lawa at ilog ay napupuno na ng mga basura. Ang nakalulungkot na estado na pilit nating itinatama dulot ng kapabayaan ng nakararami. Malamang ang nawalang tsinelas ay isa na ring basura na wala na makakahanap.

Marahil na iyong itatanong, anong klaseng tsinelas kaya ang suot ni Rizal? Ayon sa mga nakatala, si Rizal ay isang kuripot lalo nung panahon na siya ay nasa Europa. Kaya malamang, hindi havaianas ang kanyang suot ngayun.

Ang Hindi Lumingon Sa Pinanggalingan

Sikat ang katagang “Ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay hindi makakarating sa paroroonan” upang maging gabay ng mga tao sa kinabukasan. Ngunit, sa panahon ngayun, karamihan na ng mga Pilipino ay naipit na sa nakaraan at hindi na makausad sa hinaharap. Muli’t muli ginagawang panangga ang martial law upang takutin ang mga Pilipino para sa isang kinabukasan na sila lang ang nakakaalam. Kung buhay pa si Rizal, ano kaya ang magiging mungkahi nya para tayo ay makausad na at lumago ang estado ng ating bansa?

Lubos ang pagkamuhi ng mga Pilipino sa mga tsino dahil sa pagaangkin ng mga pinagaagawang teritoryo sa ating karagatan, ngunit nakalimutan din natin na minsan tayong sinakop at patuloy na sinasakop ng mga kanluraning bansa para sa pansarili nilang interes. Ang ating kultura ay hindi na sa atin, bagkus, ito ay chopseuy na pinaghalo halo. Sariling atin pa ba itong maituturing?

Ang Kabataan ang Pag-asa ng Bayan

Ilang henerasyon na ba ang nakaraan mula ng pagkamatay ni Rizal sa Bagumbayan noong ika tatlumpu ng Disyembre, 1896? Anong pag asa ba ang inasam nya galing sa ating kabataan para ipagpatuloy ang mga nasimulang adhikain? Nakamit na ba nating ang tunay na kalayaan mula sa mga dayuhan o patuloy pa din tayo na umaasa sa mga limos na kanilang ibinibigay?


Ang mga kabataan ngayon ay mulat na sa internet at sa mga pilosopiyang hindi lubos na nauunawaan. Sumasabay sa trending upang maging parte ng boses ng nakararami ngunit hindi din naiintindihan ang tunay na ipinaglalaban. Ang mga henerasyon na nagtapos sa mga unibersidad ay nagiging parte ng mga mangagawang pumapasok. Kumikita para sa pamilya at nawawalan ng saysay ang mga pilosopiyang natutunan. Napag iwanan na ang bansa natin ng mga karatig bayan dahil sa mga baluktot na ideolohiya at mga komunistang sarili lang ang iniisip.

Noli Me Tangere

Si Crisostomo Ibarra na nagmula sa Europa upang ibahagi ang kanyang mga ideya ng pag-unlad ay naging biktima ng mga Prayle at ng mga Pilipinong naghahangad lamang ng pansariling interes. Ang nabaliw na Sisa ay sumasalamin sa mga pang aabuso ng mga pagkakataon. Makabuluhan pa ba ang propagandang sumasalamin sa buhay ng mga karakter sa libro o isa na lang itong panitikan na inaaral ng mga studyante sa mataas na paaralan?

Mi Ultimo Adios

Kung si Rizal ay nabubuhay pa, maaari kaya nyang maipalaganap ang kanyang pagmamahal sa bayan ng tulad ng panahon ng pagkakasakop natin. Maniniwala kaya sya na tayo ay lubos ng malaya? Ito nga ba ang minimithi nyang kalayaan sa bansa natin na hanggang ngayun ay hindi makatayo sa sariling paa at mi ultimo armas na pandigma ay binibili natin ang napaglumaan? Nanaisin kaya nyang ialay ang buhay para lumaban gamit ang facebook at twitter? Sino ba ang kalaban – ang kapwa Pilipino o mga dayuhan? O baka maniwala sya sa pagpapatalsik ng mga pangulo upang mapalitan din ng isa pang gahaman sa kapangyarihan?

Rizal Day 2021

Ngayung panahon ng pandemya, alalahanin natin ang Doctor Jose Rizal na pilit tayong ginamot sa pamamagitan kanyang mga akda. Sa pakikipaglaban nya gamit ang pluma at papel, naipahiwatig nya sa mga Pilipino ang kahalagahan ng kalayaan at nawa’y ito ay magpaalab ng diwang makabayan. Nawa’y ang Rizal Day na ito ngayung December 30, 2021 upang gunitain ang pag-aalay ng buhay ng ating pambansang bayani ay magsilbing ehemplo para ating isulong ang tunay na kalayaan na malayo sa imperialismo ng kanluran at mapanikil na komunistang bansa ng China.

Rizal Monument
Rizal Monument

Find Hotels near Luneta / Rizal Park

Check out Rizal Park Facebook Page